Hindi na bago ang balita na maraming mga tao ang nawalan ng hanapbuhay simula noong nagkapandemya. Ilan sa mga apektado ay ang mga taong nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong sektor ng transportasyon. Marami sa mga driver, kapitan at crew sa barko, mga piloto at mga flight attendants ay nawalan ng trabaho.

Si Leigh Isis Nazaredo ay isa sa mga FA o flight attendants ng Philippine Airlines na napilitang umuwi at hindi na makakalipad dahil sa pandemya. Malaki umanong kawalan ang kanyang trabaho dahil sya ay tumatanggap ng P50-70,000.00 sa isang buwan bilang isang FA.

Lubhang nangamba si Leigh at nalungkot sa pangyayari. “Noong time na ‘yun ang naiisip ko lang po, paano sina mama? Paano sina papa? Paano kami? Paano ako? ‘Yung acceptance na wala na akong trabaho nu’n sobrang hirap po sa akin,” saad nito.

Sa kabila ng pagkawala ng minamahal na trabaho, hindi nagpatalo si Leigh sa lungkot at naghanap ng paraan upang masolusyunan ang pangyayari.
Naisipan nitong magbenta na lamang ng mga street foods dahil ito umano ang kanyang comfort food kapag nalulungkot ito.

“Hindi naman po ako nanggaling sa mayamang pamilya para ikahiya ko po na magbenta po ako ng fishball, ng kikiam. ‘Yan po ang comfort ko, kami ng mga kapatid ko. Sabi ko, why not gawin ko siyang business?” pahayag nito.

Hindi nagdalawang-isip si Leigh na simulan ang kanyang negosyo. Kaya naman nagtayo sila ng kanilang street food business at pinangalanan nila itong “Mini Monnie’s Corner”. Moonie ang pangalan ng pusang gala na kanilang inalagaan.
Kagaya ng pusang si Moonie, “Small and terrible” maliit man umano ang kanilang negosyo ay kaya din nitong makatulong ng malaki sa kanilang pamilya lalo na ngayong panahon.
“Flight attendants are trained and molded to always rise above the worst of situations in order to help others, and for Leigh, it was her family,” saad naman sa Fly High Manila kung saan nai-feature ang kwento ni Leigh.