Maraming mga kababayan nating Pilipino ang nagtatrabaho bilang mga seafarers or tinatawag nating seamen. Madalas ang iniisip natin ay malaki talaga ang sahod nila, ngunit hindi rin biro ang hirap at pagod na kanilang iniinda para lang makatulong sa kanilang mga pamilya.

Samantala, isang kahanga-hangang kwento ang ibinahagi ng isang seaman na netizen na si John Ebreo na nagmula sa Sariaya, Quezon. Sa kanyang murang edad na 26-taong gulang, napakalaking investment na ang kanyang nagawa.

Sa anim na taon nyang pagtatrabaho sa barko ay nakapagpundar na sya ng sariling gasoline station at nakabili ng sasakyan. Hindi biro din ang kanyang pinagdaanang hirap ngunit dahil sa kanyang diskarte, disiplina sa pera, at sa kanyang sipag ay malaking kaginhawaan ang kanyang naibigay sa kanyang pamilya.
Noong nakaraang taon lamang binuksan ang Ebreo Gasoline Station kung saan si John pa mismo minsan ang pump boy kapag day-off ng kanilang mga tauhan.

Ibinahagi ni John na kadalasan umano sa mga seaman ay nauubos din ang pera kapag bumababa na sa barko dahil napakagastos umano ang mga trainings na kanilang binabayaran. Kaya naman ay naisipan na lamang nya na ilaan ang pera sa negosyo upang ito ay kumikita at lumalago.
Ayon pa kay John, napakahalaga ang investments at pag-iipon lalo kapag seaman dahil hindi habang-buhay ay mayroong trabahong naghihintay sa barko, at hindi habang-buhay ay malakas upang makapagtrabaho.

Ang diskarte umano sa buhay ay naman nya sa kanyang mga magulang, kaya naman nagpapasalamat din si John sa kanila, lalo na sa kanyang ama na ibinenta pa umano ang kanilang lumang sasakyan upang may ipangdagdag sa gastos sa kanilang negosyo.
Nangako naman si John sa kanyang ama na papalitan nya na lang ang sasakyan ng kanyang ama sa 2022. Ngunit, nakakabilib talaga ito dahil wala pa ang 2022 ay nakabili na muli sya ng bagong sasakyan para sa kanyang ama.

Ibinahagi umano ni John ang kanyang kwento ng sa gayon ay makapagbigay inspirasyon sya sa mga kapwa nya seaman at mga OFW na pahalagahan ang pag-iipon at pag-iinvest dahil hindi habang buhay ay mayroong trabaho.